Binatilyong nagbebenta ng marijuana, timbog sa buy-bust

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 11:14 AM

Nakabalot sa papel ang marijuana na nakumpiska mula sa isang 16-anyos na lalaki sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Alicia sa Isabela. Larawan mula a Alicia, Isabela Police Station

ALICIA, Isabela - Arestado ang 16-anyos na lalaki sa ikinasang buy-bust operation sa bayan ng Alicia, Lunes ng gabi.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na may nagbebenta ng marijuana sa lugar kaya agad nagkasa ng operasyon.

Naaktuhan umano ang binatilyo na nagbebenta ng P1,000 halaga ng marijuana sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakabalot lang sa isang papel ang mga kontrabando na napag-alamang galing sa probinsya ng Kalinga.

Itinanggi naman ng binatilyo na pag-aari niya ang nakumpiskang marijuana at iginiit na inilagay lang itong ebidensiya ng mga pulis.

Pero aminado siyang gumagamit ng marijuana para pampaluwag daw ng kaniyang paghinga kapag inaatake ng asthma.

Kinumpirma ng kaniyang mga magulang na mayroon siyang ganung sakit. Pero hindi nila alam na gumagamit pala ito ng marijuana.

Magsisilbi naman daw leksyon sa kanilang anak ang nangyari sa kaniya.

Ikinaalarma ng Barangay Anti-Drug Abuse Council ang pagkakasangkot ng binatilyo sa ilegal na droga lalo’t posibleng maapektuhan ang pagsusulong nilang maideklarang drug cleared ang lugar.

“Gagawa na lang kami ng mas maigting pa na pag-monitor lalo na sa mga kabataan natin ngayon,” ani Barangay Kagawad Ricky Ramos, chairman ng Committee on Peace and Order.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.