Babae patay nang tamaan ng ligaw na bala sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 05:49 PM | Updated as of Sep 26 2018 06:00 PM

TULUNAN, North Cotabato - Patay ang isang babae sa ligaw na bala matapos barilin ng mga armadong lalaki ang isang barangay chairman sa bayang ito Martes.

Sa impormasyon mula sa Tulunan police, nakasakay sa kaniyang bisikleta si Barangay Sibsib Chairman Joemar Almirante nang lapitan siya ng mga lalaking nakasakay sa isang AUV at nagpaputok. 

Nakaligtas si Almirante, pero tinamaan ng ligaw na bala sa likod ang biktimang si Nelly Nacano na nagkataong dumaan sa lugar.

Isinugod ito sa pagamutan pero binawian rin ng buhay.

"Hindi pa natin masabi kung ano ang motibo. Wala ring nakakita doon sa mga lalaki na namaril. Pero sa ngayon nire-review natin kung nahagip ng CCTV," paliwanag ni Senior Insp. Judgie Barotas, hepe ng Tulunan police.

Ayon sa pulisya, ito ang unang beses na pinagtangkaan ang buhay ni Almirante.

Sa buong lalawigan ng North Cotabato, siya na ang ika-apat na kapitan na pinagtangkaan ang buhay ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.