Awtoridad todo-bantay sa mga 'solvent boys' sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 01:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Nagbabantay na ang awtoridad laban sa mga tinaguriang “batang hamog” sa EDSA.

Ito ay kasunod ng insidente kung saan dalawang solvent boys ang sumampa sa isang taxi habang mabagal ang daloy ng trapiko.

Makikita sa CCTV ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sumampa ang dalawang bata sa bubong at likurang bahagi ng taxi.

Tila kalmado pa ang dalawa habang patingin-tingin sa mga dumaraang motorista.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bayan Mo, I-Patrol Mo kay MMDA Supervising Officer for Special Operations Bong Nebrija, inalerto na nila ang kanilang mga care unit para sa katulad na sitwasyon. Ang Makati Action Center naman na siyang nakasasakop sa lugar ay umaksiyon na rin.

Kinumpirma rin nila na gumagamit ng solvent ang mga batang nasa video.

May rumuronda na umanong mga pulis sa kahabaan ng EDSA.

Sa ipinadalang pahayag ni MMDA General Manager Jojo Garcia, sinabi niyang tumutulong ang kanilang ahensiya sa pag-rescue sa mga batang hamog at palaboy sa kalye at inilalagay sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nagbabala rin sila sa mga motorista na mag-ingat at ugaliing mag-lock ng pintuan ng mga sasakyan para makaiwas sa hindi magandang pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.