Abogado, nakaligtas sa pananambang sa Davao City

Vina Araneta-Pilapil, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 11:55 PM

DAVAO CITY - Nakaligtas sa pamamaril ang isang abogado habang nasa loob ng kaniyang sasakyan nang tambangan ng 2 armadong lalaki sa harap mismo ng Hall of Justice sa Ecoland, Davao City nitong Miyerkoles ng umaga.

Agad napayuko at nakailag si Atty. Wilmer Donasco at napatakbo pa ang sasakyan papasok ng Traffic Group compound para humingi ng tulong.

Tabi lang ng Regional Crime Laboratory Office at Traffic Group ang pinangyarihan ng krimen.

Hindi muna nagbigay ng pahayag si Donasco at ang asawa nitong piskal na inihatid pa ng biktima sa Hall of Justice bago mangyari ang pamamaril.

Ayon sa asawa ni Donasco, wala umano silang natanggap na banta sa buhay bago nangyari ang pananambang.

Nagtamo ng konting sugat si Donasco matapos mabagsakan ng nabasag na salamin ng bintana ng kaniyang sasakyan.

Nababahala naman ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) Davao City Chapter sa sunod-sunod na pamamaril sa mga abogado lalo na’t nitong Lunes lang pinagbabaril-patay rin ang isang abogada sa Tagum City.

Umaasa ang IBP-Davao City Chapter na maresolba agad ang krimen.

"We are worried with this. Lawyers are just doing their job," ani Atty. Rogelio Largo, presidente ng IBP-Davao City Chapter.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.