3 patay dahil sa 'away pamilya' sa Quezon

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 08:48 PM

TIAONG, Quezon - Patay ang tatlong magkakamag-anak sa bayang ito matapos umanong barilin ng kamag-anak nila Martes ng gabi.

Nakatanggap ng tawag ang pulisya mula sa isang concerned citizen kaugnay ng insidente ng pamamaril sa Barangay Bukal.

Batay sa imbestigasyon, mula sa inuman ang mga biktima at pauwi na sana nang mangyari ang insidente.

Kinilala ang mga biktima na sina Fernando Linatoc, Jerry Rocafort at Lino Dalisay.

Ayon kay SPO2 Rodel Martin, away pamilya ang nangyari dahil magkakamag-anak ang mga biktima at ang mga salarin.

Tumakas ang mga salarin matapos ang insidente dala ang baril na ginamit.

Napag-alaman rin ng mga pulis na may nauna nang insidente ng pagpatay kaugnay ang parehong pamilya.

"Mayroon silang nauna nang nangyaring patayan na mga kamag-anak din nila ang sangkot. Parang nag-uubusan sila ng mga lalaki sa lahi nilang Rocafort," dagdag ni Martin.

Nananawagan ang pulisya sa mga kaanak o sino mang maaaring nakakaalam sa kinaroroonan ng mga salarin na makipagtulungan sa kanila para mabigyang linaw ang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.