25 porsiyentong ballot shade kikilalanin sa Marcos-Robredo poll protest: PET

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 11:35 AM | Updated as of Sep 26 2018 11:37 AM

Napagkasunduan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na gagamitin nila ang 25 porsiyentong ballot shading threshold sa recount ng mga boto kaugnay sa poll protest nina dating senador Bongbong Marcos at Vice President Leni Robredo. 

Sa isang press conference nitong Miyerkoles, binunyag ng kampo ni Robredo na natanggap nila ang resolusyon ng PET nitong Martes. 

Itinuturing itong "tagumpay" ni Robredo, lalo't taliwas ito sa hiling ni Marcos na kilalanin lamang sa recount ang mga botong may 50 porsiyentong shade sa balota.

“Sana tuloy-tuloy na, sana mapabilis na para maka-move on na talaga tayo,” ani Robredo.

Ayon sa resolusyon ng PET, 25% shading threshold na ang ginamit sa 2016 elections.

Ito rin ang sinabi noon ng Commission on Elections (Comelec) nang igiit nila ang 25% shading threshold sa komento nila sa PET.

Ayon sa Comelec, 25% shade ang binasa noong halalan sa PCOS machines.

Dagdag nila, kapag ginamit ang 50% shading threshold pabor sa nais ni Marcos, maaari nang kuwestiyunin ang iba pang resulta sa halalan, mula pagka-pangulo pababa sa Sangguniang Bayan level.

Ayon sa pinuno ng legal team ni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal, wala nang opsiyon si Marcos kundi talikuran ang kaniyang election protest.

“Perhaps Mr. Marcos may consider withdrawing his election protest because the bulk of his objection is centered on the issue of threshold,” ani Macalintal.

(Siguro ay maaari nang umatras si Mr. Marcos sa kaniyang protesta dahil ang bulto ng kaniyang argumento ay nakabase sa isyu ng threshold.)

—May ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.