Taga-SOCO na nagnakaw ng cellphone sa crime scene, sinibak

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 09:50 PM | Updated as of Sep 27 2017 08:00 AM

Sibak sa puwesto ang isang miyembro ng Philippine National Police crime laboratory sa Cavite matapos madiskubreng ninakaw niya ang cellphone na ebidensiya sana sa pagpatay sa mag-asawang senior citizen.

Nakilala ang pulis na si PO2 Roman Arcillas na kabilang sa mga rumesponde sa isang krimen noong Enero 12.

Natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay sa Maragondon, Cavite ang mag-asawang senior citizen na sina Bienvenido at Cecilia Muncal.

Batay sa autopsy report, sinakal at iniuntog sa matigas na bagay ang mga ulo ng mga biktima.

Hanggang ngayon wala pa ring lead ang pulisya kung sino ang mga nasa likod ng krimen.

May mga narekober na ilang alahas at P30,000 cash pero nawawala ang cellphone ni Bienvenido.

Sinubukan ng mga kaanak na i-trace ang cellphone sa pagbabakasakali na matunton ang mga suspek sa krimen.

Sa pamamagitan ng international mobile equipment identity number sa cellphone ni lolo Bienvenido, na-trace ng pamilya na dalawang sim cards ang inilagay sa cellphone.

Lumabas ding may isang madalas na tawagang post paid number ang ninakaw na cellphone.

Nang i-subpoena ng NBI ang gumagamit ng post paid number, sinabi ng user na si Arcillas ang kaniyang tinatawagan.

Nakaharap mismo ng abogado ng pamilya si Arcillas na umaming kinuha niya ang cellphone ng biktima.

Paliwanag ni Arcillas, wala siyang cellphone noon kaya naisip niyang gamitin muna ang cellphone ni Bienvenido.

Nakalimutan na raw niyang ibalik iyon sa imbestigador.

Nai-turn over na sa NBI ang cellphone na halos anim na buwang ginamit ni Arcillas.

Ang problema, burado na ang mga mensahe at numero na maaari sanang gamiting lead sa pagresolba sa krimen.

Kaya desidido ang mga kaanak ng mag-asawang biktima na sampahan ng mga kasong kriminal at administratibo si Arcilllas.

Isasailalim si Arcillas sa restrictive custody habang iniimbestigahan ang kaniyang kaso.

Nag-alok naman ng P300,000 pabuya ang pamilya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagpatay sa mag-asawang Muncal.

Balak din nilang kunin ang cellphone sa NBI para isailalim ito sa pagsusuri ng forensic laboratory ng Public Attorney's Office.

Umaasa ang mga kaanak na makakakuha ng lead kapag na-retrieve ang mga naburang numero at mensahe sa ninakaw na cellphone.

-- Ulat nina Dominic Almelor at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.