Pulis na nag-zipline, patay nang mapatid ang kable

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 04:43 PM

Patay ang isang pulis na nag-zipline matapos mapatid ang isang kable nitong atraksiyon sa isang resort sa Los Baños, Laguna.

Tinukoy ang biktima na si PO1 Andrew Tamayo, nakatalaga sa Los Baños Municipal Police Station.

Batay sa imbestigasyon, sinubukan ng biktima ang zipline na tumatawid sa lawa sa isang resort sa Barangay Tadlac, Los Baños, Laguna.

Umabot pa raw nang hanggang 20 metro sa zipline ang pulis nang biglang mapatid ang tension wire na ginagamit niya.

Nahulog sa lawa ang biktima.

Kahit na nakasuot ng life vest at protective head gear, nagtamo pa rin si Tamayo ng matinding sugat mula sa insidente. 

Umabot din ng 15 minuto bago nasagip sa lawa ang biktima.

Naisugod pa ang biktima sa ospital pero nasawi habang nilalapatan ng lunas.

Wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng resort kung saan nangyari ang insidente.

Hindi pa rin nagbibigay ng panig ang naiwang pamilya ng pulis kung anong magiging hakbang nila kaugnay nitong pangyayari.

-- Ulat ni Ronilo Dagos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.