Paggamit ng marijuana sa gamutan, inaprubahan ng komite sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 04:28 PM | Updated as of Sep 26 2017 05:17 PM

Pasado na sa Committee on Health sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong gawing legal ang paggamit ng cannabis o marijuana para sa medikal na pangangailangan.

Inaprubahan ang panukala nitong Lunes, Setyembre 25, matapos magsagawa ang komite ng malawakang konsultasyon kasama ang mga pasyente, advocacy group, mga ekspertong medikal, at ilang ahensiya ng pamahalaan.

Sa ilalim ng panukalang "Philippine Compassionate Medical Cannabis Act", magtatatag ng "medical cannabis compassionate centers" na bibigyan ng lisensiya ng Department of Health (DOH).

Matatagpuan ang centers sa mga ospital na accredited o kinikilala ng DOH.

Kailangan ding may lisensiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga pharmacist na magbibigay nitong gamot sa mga kwalipikadong pasyente o kaya'y kanilang caregivers.

Para matukoy kung kwalipikado ang pasyente, kailangan munang may pagpapatunay ang isang doctor na may malubhang karamdaman ang pasyente na nangangailangan ng marijuana sa gamutan.

Saka palang mag-iisyu ng identification card ang DOH para sa pasyenteng puwedeng bigyan ng medical marijuana.

Magtatayo rin ng mga institusyong magsasagawa ng mga pagsusuri ukol sa medical cannabis.

Inatasan ang DOH bilang pangunahing ahensiyang mangangasiwa sa pamamahagi ng medical cannabis, katuwang ang Food and Drug Administration.

Pagtutuunan naman ng PDEA ang pag-monitor at pagtitiyak ng wastong pagbibigay ng medical marijuana sa mga pagamutan.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.