Lalaki patay matapos saksakin ng kapatid sa Baguio City

Mae Cornes, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 09:39 PM

Patay ang isang lalaki matapos saksakin ng sariling kapatid dahil sa alitan nitong Lunes sa Baguio City.

BAGUIO CITY – Nauwi sa pananaksak ang pagtatalo ng magkapatid sa Irisan, Baguio City nitong Lunes.

Kinilala ang biktima na si Michael Baguiat, 58, na sinaksak ng kanyang kapatid na si Robert Baguiat, 46.

"Pumunta sila sa lamay, and then after that nung pauwi na sila, nag-away sila mismo sa kalsada, not knowing yung isang brother may dala palang kutsilyo at nasaksak niya ang kapatid," ani Chief Insp. Emmanuel Nead, hepe ng Baguio City Police Station 9.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng saksak sa dibdib ang biktima.

Naisugod pa ito sa Baguio General Hospital pero pumanaw din matapos ang ilang oras.

Ayon sa pamilya ni Michael, matagal nang may alitan ang dalawa, pero hindi sila makapaniwala na hahantong ito sa pagpatay.

Tumanggi na silang sabihin kung ano ang pinagmulan ng away.

Nahaharap sa reklamong homicide ang suspek na ngayo’y nakakulong sa Baguio City Jail.

Hindi nagpaunlak ng pahayag ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.