Barko bumangga sa isla sa Romblon

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 08:33 AM | Updated as of Sep 26 2017 06:43 PM

MANILA - Sugatan ang 87 pasahero matapos sumalpok ang sinasakyang barko sa tagiliran ng Tablas Island sa Calatrava, Romblon, Martes. 

Sa inisyal na ulat na nakalap ng DZMM, galing sa Odiongan Port ang barkong M/V Maria Matilde at papunta sana sa Romblon Port para ihatid ang 251 pasahero nang maaksidente ito pasado alas-5 ng umaga.

Sa lakas ng pagkakasalpok ng barko, nasugatan ang ilang pasahero na nauntog at tumilapon mula sa higaan, ayon kay Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng MIMAROPA Police.

Nayupi naman aniya ang unahang bahagi ng Maria Matilde at nagtumbahan ang ilang air-conditioning unit nito. 

Nagtamo rin ng pinsala ang 4 na sasakyan na lulan ng barko, dagdag ni Tolentino. 

Isinisi aniya ng kapitan ng barko na si Bernardino Canapit ang pagkakabangga sa zero visibility dulot ng malakas na buhos ng ulan.

Iniimbestigahan na ng Philippine Coast Guard ang insidente. -- Ulat ni Noel Alamar, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.