'Alisto', magmo-monitor sa pang-aabuso sa martial law

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 09:42 PM

DAVAO CITY - Inilunsad kamakailan ng grupong Konsensya Dabaw ang 'Alisto' Coalition na magsisilbing monitoring team sa mga pang-aabuso sa batas militar sa Mindanao.

Ayon kay Mags Maglana ng Konsensya Dabaw, ang Alisto ang siyang tututok at magdo-dokumento sa mga idudulog na reklamo sa kanila.

"Our response is preventive and also an effort to be responsive,” ayon kay Maglana. 

Dagdag ni Maglana, may mga nabibiktima ng pang-aabuso at karahasan, pero minamabuti na lamang nila na manahimik dahil hindi nila alam kung saan at kanino hihingi ng tulong.

Sa ‘Alisto”, ang mga magrereklamo ay maaring tumawag sa hotline numbers na 0945-123-8228 at 0949-100-8708.
 
Handa ring magbigay ng legal assistance ang grupo. 

Ayon naman sa Davao City Police, handa rin silang magbigay ng tulong sa mga maaaring mabiktima ng pang-aabuso sa ilalim ng martial law.

Pero ayon kay Senior Inspector Teresita Gaspan, ang tagapagsalita ng Davao City Police, wala pa silang datos o natatanggap na reklamo kaugnay sa martial law mula nang ideklara ito noong Mayo 23.

Idineklara ng Pangulong Rodrigo Duterte ang batas militar sa Mindanao matapos sumiklab ang bakbakan sa gitna ng mga tropa ng gobyerno at mga terorista sa Marawi City. 

Pinalawig naman ng Kongreso ang batas-militar hanggang sa Disyembre sa hiling ng Pangulo noong Hulyo. 

Ayon kay Duterte, maaari niyang pawalang-bisa ang deklarasyon kapag tuluyan nang natapos ang gulo sa Marawi at naalis na ang peligro sa lugar, katulad ng mga improvised explosive devices. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.