Opisyal ng barangay, kinumpirmang dating namalagi si Matobato sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2016 07:57 AM

Isa umano itong dokumento na pinirmahan ni Edgar Matobato nang manirahan ito sa Sta. Rita Samar noong 2014.

SAMAR - Pinatunayan ng isang opisyal ng Barangay Hinangutdan, Sta. Rita, Samar na nanirahan sa kanilang barangay si Edgar Matobato noong 2014.

Ayon kay Barangay Chairman Benjamin Agner, nagpatulong pa sa kanya si Matobato, na nagsasabing miyembro umano ng Davao death squad, para gumawa ng kasulatan para tubusin ang lupang naisanla noong July 2014.

Nanirahan si Matobato sa mga kamag-anak nito sa kanilang barangay at nang mapanood nila ang balita ukol sa hearing sa Senado, ito'y kanilang natandaan na pumunta sa kanilang barangay.

Tumanggi naman na magpa-interview ang mga kamag-anak ni Matobato dahil sa takot, ngunit sinabi nito na totoong nanirahan sa kanila si ang Senate witness at binigyan din sila ng gamit para sa pangingisda at siya ring nagtubos sa lupang naisanla.

Kwento pa ng ilang kamag-anak, sa Davao lumaki si Matobato hanggang magka-pamilya.

Bago bumalik sa Davao noong Agosto 2014, nagpunta rin ito sa Commission on Human Rights(CHR) sa Tacloban.

Una nang kinumpirma ni Atty. Paquito Nacino, CHR regional director na Agosto 2014 dumulog sa kanila si Matobato at isinumbong nito ang nalalaman ukol sa isang grupong sangkot sa mga pagpatay sa Davao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.