Barangay kagawad at misis, arestado sa droga

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2016 09:22 PM

Nagbenta umano si Alberto Tomas at misis niyang si Imelda ng isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu. Kuha ni Denis Agcaoili, ABS-CBN News

ILOCOS NORTE -- Arestado sa isang buy-bust operation ng mga pulis ang isang barangay kagawad at kanyang misis sa Laoag City.

Nagbenta umano si kagawad Alberto Tomas at misis niyang si Imelda ng isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu sa Barangay Cavit.

Ayon sa mga otoridad, si Alberto ang ka-transaksyon sa cellphone ng poseur buyer at si Imelda naman ang mismong nag-abot ng pinaghihinalaang shabu.

Una nang sumuko ang mag-asawa sa Oplan Tokhang dahil sa paggamit at pagbebenta shabu.

Hindi umano sila tumigil sa pagbebenta batay sa tuloy-tuloy na pagmamasid sa kanila.

Pareho namang itinanggi ng mag-asawa ang paratang sa kanila na nagbenta sila ng shabu.

Kinekwestyon din ng kagawad ang pagiging "high-value target" niya sa nasabing lungsod.

Sasampahan ang mag-asawa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.