6 sugatan sa pagsabog na may kinalaman umano sa droga

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2016 11:16 AM

MANILA - Anim ang nasugatan sa pagsabog ng isang granada sa Libyan Street sa Barangay Culiat, Quezon City Linggo ng gabi.

Hinihinala ng mga awtoridad may kinalaman ang pambobomba sa mga umano'y drug pusher na nahuli kamakailan sa Oplan Tokhang, lalo na't tatlo sa mga biktima ay mga aktibong pulis na nagbabantay sa seguridad ng barangay.

Nakuhanan ng CCTV camera ang dalawang naka-motorsiklong lalaking naghagis ng granada sa tapat ng bahay ng kagawad na si Ameerah Ibrahim sa Salam Mosque compound.

Sa lakas ng pagsabog, natakot ang mga residente habang nalagay naman sa kritikal na kondisyon ang isa sa anim na nasugatan.

Kabilang sa mga biktima ang dating maritime police na si SPO2 Sala Uddin, na nagtamo ng sugat sa baba, braso at mga binti.

Patungkol niya sa lugar ng pagsabog, "Yun ang binabantayan namin para 'di makapasok ang mga kahina-hinala. Andoon ako noong sumabog... Nagkekwentuhan kami nun e tapos tumama na."

Naniniwala rin si Kagawad Ibrahim na may kinalaman sa iligal na droga ang insidente.

Paliwanag niya, "Sa programa ni Rodrigo Duterte sa giyera ng drugs, dito sa aming compound sa Salam, lahat po kami naglilinis talaga, nag-Oplan Tokhang kasama ang barangay... Nililinis natin ang ating lugar, kaya natural may masasagasaan."

Kasabay ng pagkondena sa pangyayari, sumang-ayon din si peace and order leader, SP02 Hassan Adi na ang mga nasa likod ng pagsabog ay konektado sa mga drug suspect na nahuli sa Oplan Tokhang dalawang linggo na ang nakararaan.

"Marami na pusher at drug lord dito kaya siguro gumanti sila sa amin. Halos wala na dito. Siguro naapektuhan sila kaya gumanti na lang," ani Adi.

Daan-daang tao ang naninirahan sa Salam Mosque compound kung saan magkakatabi ang mga tahanan, kaya hindi maiwasan ng mga residente na mangamba para sa kanilang kaligtasan.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang pagsabog. Tiniyak din nilang paiigtingin nila ang pagbabantay sa lugar at maglalagay ng checkpoint para sa mga motoristamh dumadaan mula sa kalapit na Tandang Sora Avenue.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.