4 'salvage victims' natagpuan sa Caloocan, Pasay

Anjo Bagaoisan at Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2016 09:09 AM

MANILA - Apat na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuan Lunes sa magkakahiwalay na lugar sa Caloocan at Pasay.

Sa kuha ng CCTV sa Barangay 106 sa Caloocan, makikita ang pagdaan ng isang motorsiklong may tatlong sakay.

Tumigil ang motorsiklo sa kanto ng Maria Clara Street at 10th Avenue, kung saan bumaba ang dalawang sakay at hinatak ang kanilang nakagapos na kasamang lalaki.

Binaril ng dalawa ang lalaki sa likod ng ulo. Nang sumalampak ito sa kalye, ilang beses pa itong muling pinapatukan bago umalis ang mga suspek sakay ng motorsiklo.

Anim na basyo ng bala ang natagpuan sa crime scene.

Noong Agosto, nahuli rin sa CCTV camera sa 10th Avenue ang pagpatay ng ilang mga nakamotorsiklong suspek sa isang tricycle driver.

Samantala, tadtad din ng bala ang bangkay ng lalaking ginapos din ng packing tape at nakita sa kalapit na C-3 Road.
 
Kwento ng 13-anyos na si "Joseph," nagising siya ng putok ng baril mula sa lugar. Nakita anya ng kanyang kasama sa kabilang dulo ng kalsada ang mga nagtapon sa bangkay.

"'Yung isa po nagdadrive yung isa naman po namaril... Naka-single na motor. Tinulak daw po tapos binaril ng tatlong beses," sabi ng binatilyo.
 
Sa Pasay, natagpuan naman ng isang basurero ang dalawang hinihinalang biktima ng summary execution sa Pearl Drive.

Nakabalot ng plastic at packing tape ang mukha ng mga biktima. Nakagapos din ang kanilang mga kamay.

Walang nakuhang karatula o droga mula sa napatay na babae at lalaki.

Ayon naman sa mga pulis, agad ikinamatay ng dalawa ang mga tinamong saksak sa leeg.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.