LONDON - Sa pagbabalik-tanaw at pagpapasalamat nakatuon ang mensahe ni King Charles III para sa unang anibersaryo ng pagkamatay ni Queen Elizabeth II ngayong Setyembre.
Inalala ng Hari ang buhay ng dating Reyna na inalay niya sa paglilingkod. Nagpasalamat din ang British Monarch sa suportang natatanggap nila ng asawang si Queen Camila.
Sa social media, nakiisa rin ang iba-ibang British institutions sa taimtim na pag-alala sa makasaysayang araw.
Para kay Associate Chief Nurse May Parsons na nakasama sa prusisyon sa araw ng libing ng Reyna noong nakaraang taon, mahalagang gunitain ang buhay at mga kontribusyon ng dating Monarch.
“Her contribution is phenomenal throughout her reign as a Queen; and I think katulad ng pag-alala natin ng mga mahal natin sa buhay, naging parte din siya ng buhay ng maraming taon hindi lang sa UK kundi sa buong mundo. We pay respect and remember her for all her life’s works. We continue to build on and carry on yung good work na nagawa niya,” sabi ni May Parsons, bahagi sa funeral procession.
Sa Windsor Castle sa Berkshire, kung saan nasaksihan ng mundo ang makasaysayang libing ng dating Reyna noong nakaraang taon, may mga nag-alay ng bulaklak at nag-iwan ng mensahe. Patuloy din ang pagbuhos ng mga turista, kabilang ang mga Pilipino.
“Si Queen Elizabeth ay napamahal at naging inspirasyon ng mga Pilipino dito sa United Kingdom. Kaya naman inaalala namin ang kanyang naging impact sa amin na mga taga-Windsor at dito sa UK,” sabi ni Gie Furagganan-Thompson, nakatira sa Windsor.
“Since the Queen died, England has never been the same. She was full of kindness. She was well loved by the people,” sabi ni Rhea, bumisita sa Windsor.
Sa Long Walk, huling nasilayan ng publiko ang mga labi ni Queen Elizabeth II noong nakaraang taon, at makalipas ang isang taon, patuloy na dinadagsa ng publiko ang Windsor Castle at nananatiling pinaka-popular na tourist attraction sa buong UK.
Ayon sa Association of Leading Visitor Attractions, nananatili ang Windsor Great Park kung saan bahagi ang Long Walk bilang UK’s most visited site.
Nakapagtala ang Crown Estate ng 5.6 million visitors noong 2022. Umabot naman sa halos isang milyon ang dumayo sa loob ng Windsor Castle sa death anniversary ng namayapang British monarch.
Isa sa mga pinupuntahan ng mga turista ang St. George's Chapel kung saan nakalibing ang dating Reyna.
Para sa mga taga-United Kingdom at maging sa mga turista, lumipas man ang mga taon, mananatiling nakaukit sa kasaysayan ang alaala ng naging longest-reigning British monarch. Naglingkod si Queen Elizabeth II bilang Reyna ng United Kingdom at Commonwealth Realms sa loob ng 70 taon.
Namatay si Queen Elizabeth II noong September 8, 2022 sa Balmoral Castle sa Scotland, UK sa edad na 96.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa United Kingdom, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.