TFC News

May visa man o wala, mga Pilipino sa NZ, nakatanggap ng COVID-19 vax

Annalyn Mabini | TFC News New Zealand

Posted at Sep 25 2021 09:46 PM

AUCKLAND, NEW ZEALAND --- Naging matagumpay ang community program na free for all COVID-19 vaccine para sa mga Filipino sa Auckland, New Zealand dahil na rin sa pagkakaisa at pagtutulungan ng mga Filipino volunteer. At sa tulong ng Asian Health Services sa ilalim ng Waitemata District Health Board o WDHB, naikasa ang nasabing proyekto noong September 1, 11, 12 at 22, 2021.  

Sa panayam ng TFC News sa Filipino coordinator ng programa na si Romy Udanga, 60 anyos, isang financial adviser at 14 taon ng naninirahan sa NZ, bagamat libre ang COVID-19 vaccine at tests sa bansa, iba pa rin kung mga kapwa Pilipino ang nakikita ng mga kababayan sa vax site.

“Being a foreigner in a country is not easy. This project gives our kababayan the confidence to be in a place at a certain time during Level 4 lockdown. Just the thought of being together with fellow Filipinos, even if they are not known to one another, is such a comfort, especially, may fellow Filipino din na nagwe-welcome at umaalalay pa sa kanila sa loob ng centre,” ani Udanga.

new zealand
Mga Pilipinong volunteer sa free for all COVID-19 vaccine para sa mga Pilipino sa Auckland, NZ

Wala ring pinipili ang free COVID-19 vax program dahil may visa o wala, basta’t Pilipino, puwedeng magpabakuna sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa social media account ni Udanga at ng iba pang Filipino volunteers.

“This is really important especially to those who have most recently arrived, families of OFWs especially, and those on temporary or even without a valid visa. We made sure to share with everyone all the necessary information that they needed to know, especially the fact that nobody was going to be asked about their immigration status in the country,” dagdag pa ni Udanga.

Mainit ang pagtanggap ng mga Pilipino sa programa at malaking tulong na sa kapwa Pilipino sila nakikipag-ugnayan via social media para magpa-schedule para sa free vax.

“Nakakatulong kami sa paghikayat sa mga Pilipino para magpabakuna sila, lalo na ang mga expired na ang visa o TNT na sa  New Zealand,” pagbabahagi ni Dennis Magcalas, 49 anyos, at 15 taon ng naninirahan sa bansa. Isa siya sa mga Pinoy volunteer ng programa.

“Maganda ang atmosphere ng vaccination site at very organized  at andoon kami physically para ma-coordinate ang mga Filipino na nagpa-register sa amin,” sabi naman ng isa pang Pinoy volunteer na si Aida Fabian, 48 anyos at 13 taon na sa NZ.

new zealand
Si Aida Fabian sa vaccination site kasama ang kanyang pamilya

Laking pasasalamat naman ng Pilipinang si Hilda, 56 anyos at mahigit 13 taon ng naninirahan sa NZ sa mga Pilipinong volunteer dahil fully vaxxed na siya at ang kanyang asawa matapos siyang mag-sign up sa programa.

“Naging comfortable naman pagdating namin sa vaccination site noon 12th Sept. 2021 sa 66 Clyde Road, sa Browns Bay dahil sa mga Pilipinong kababayan natin na sumalubong sa amin at nag-guide kung saan kami pipila at papasok.  

Natuwa kami at nagpapasalamat sa lakas ng loob at tapang ng ating kapwa Pilipino  na nagbigay ng oras nila sa ganitong delikadong proyekto para makatulong sa tao at mapabilis ang pagpapabakuna para sa lahat ng mamamayan ng Auckland,” sabi ni Hilda.

new zealand
Mga Pilipinong nagpabakuna sa free for all COVID-19 vaccine para sa mga Filipino sa Auckland, NZ

Sa October 2, 2021 ang susunod na free vaccine program para sa mga Pilipino sa NZ.

“Mayroon po uli tayong vaccination sa October 2, 11am-3.30pm. Puwedeng first dose, puwede ring 2nd dose (basta tama ang bilang  ng weeks after ng first dose ninyo). Mag-message lang sa mga volunteers natin para maisama kayo sa listahan natin. Tulad ng dati, may volunteers uli sa site para sa mga katanungan ninyo,” paghihikayat ni Udanga sa mga kababayan sa Auckland.

Patuloy naman ang volunteer work ng mga kababayan para sa mga kapwa Pilipino sa NZ na tulad ni Aida na nagpapaalalang protektahan ang sarili at kapwa sa pamamagitan ng pagpapabakuna laban sa virus:

“Sa mga kababayan namin dito sa Auckland, let’s do our part and magpa-vaccine po tayo.  Huwag matakot. Para po sa protection natin ito at sa mga taong nakapaligid sa atin.”