1 patay, 15 nakaligtas sa pagtagilid ng barko sa Ormoc City

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2021 08:55 AM

Hindi inaasahan ng mga tripulante na papasukin ng tubig ang kanilang barko sa kabila ng maayos na panahon. Larawan muna kay John Kevin Pilapil
Hindi inaasahan ng mga tripulante na papasukin ng tubig ang kanilang barko sa kabila ng maayos na panahon. Larawan muna kay John Kevin Pilapil

Isa ang nasawi habang 15 tripulante naman ang nakaligtas matapos tumagilid ang sinasakyan nilang barko malapit sa pantalan ng Ormoc City, Biyernes ng gabi.

Hindi na nailigtas ang isang babaeng tripulante matapos umanong madaganan ng mga kargamento. Nakaligtas naman ang 15 pa niyang mga kasamahan.

Ayon kay Seaman 2nd Class Ryan Jude Abalahin ng Philippine Coast Guard Ormoc, nanggaling sa Cebu ang Lite Ferry 3.

Dagdag pa ni Abalahin, tahimik ang dagat at walang malalaking alon Biyernes ng gabi pero kwento ng kapitan ng barko sa Coast Guard, nagtaka na lang sila nang makitang pinasok na ng tubig ang barko habang dadaong na sana sa pantalan ng Ormoc. 

Sa ngayon, inaalam pa ng awtoridad ang dahilan ng paglubog ng barko. 

Walang pasahero ang Lite Ferry 3 habang papunta sa Ormoc City. 

- Ulat ni Sharon Evite