Ilang eskuwelahan nagkansela ng 1 linggong klase dahil sa PLDT maintenance

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2020 08:00 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Simula na ngayong araw ang isang linggong kanselasyon ng online classes sa ilang mga eskuwelahan dahil sa anim na araw na maintenance works ng PLDT.

Offline muna ang pag-aaral ngayon ng grade 11 student na si JM Aguinaldo matapos suspendihin ng kanyang paaralan ang online classes dahil sa inaasahang pagbagsak ng internet signal ng PLDT at Smart.

Ibig sabihin, walang class session kaya diskarte na niya kung anong oras siya mag-aaral o gagawin ang school works. 

"Magpapagawa lang sila ng activities and assignments... Minsan nakaka-stress na lalo kapag sunod-sunod ‘yung pinapagawa," ani Aguinaldo.

Dagdag stress din para sa nanay ni Aguinaldo ang offline studies. 

"Naii-stress ako. Parang ako na rin 'yung nag-aaral kasi nga tuturuan ko siya kasi parang ako na ’yung teacher niya," ani Beth Aguinaldo. 

Sunod-sunod ang mga advisory ng mga pribadong eskuwelahan kaugnay ng mga adjustment sa pag-aaral matapos ianunsiyo ng PLDT at Smart ang posibleng paghina ng kanilang serbisyo sa landline, mobile at internet sa loob nang anim na araw.

Ayon sa PLDT, kukumpunihin ang isa sa ginagamit nilang international submarine cable systems sa karagatang bahagi ng Hong Kong. 

Pero tiniyak ng PLDT na meron naman silang alternatibong cable system para magpatuloy ang serbisyo kaya puwede pa ring magpatuloy ang online classes, online business, at iba pang normal na paggamit ng internet. 

Pero iba ang sinasabi ng PLDT sa nararanasan ng subscriber nila na si Mhe-Ann Delizo na hirap ngayong makadiskarte sa kaniyang online business. Dahil sa bagal ng internet, mabagal din ang negosyo. 

Samantala, naglabas din ng pahayag ang Globe telecom na walang epekto sa kanilang customer ang cable repairs. 

--Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.