Bahagi ng Talayan Creek sa G. Araneta, tambak ng basura

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2020 12:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Puspusan ang paglilinis ng mga tauhan ng Quezon City Riverways Clearing Operations Group para maialis ang naipong basura sa Talayan Creek Biyernes ng umaga.

Nag-umpisang lumusong para maglinis ang grupo alas-6 ng umaga sa bahagi ng creek sa kahabaan ng G. Araneta.

“Sana naman po may konting malasakit sila sa ating kalikasan kasi po kami ginagawa namin lahat ng paraan, araw-araw naglilinis kami pero pagbalik namin kinabukasan marami pa rin po. Dapat naman matuto silang magtapon sa tamang lagayan, kung saan nararapat ilagay ang basura. Hindi itatapon sa ilog,” pahayag ni Teresita Agustin, team leader ng grupo.

Tambak na basura ang nakuha ng grupo sa creek na natambak at nadala ng agos mula sa sunod-sunod na pag-ulan nitong mga nakaraang mga araw.

Ayon kay Agustin, nito lamang Miyerkoles ay nalinis din nila ang lugar kung saan 850 sako ng basura ang kanilang nahakot. Pero puno na naman ang creek nang balikan nila ng Biyernes.

Karaniwan sa mga basura ay mga plastic, kahoy at styrofoam na ayon sa kanlla ay nanggagaling sa matataas na lugar na konektado sa creek tulad ng Balintawak.