PMA cadet Darwin Dormitorio inilibing na; kadete ginulpi dahil sa 'nawalang bota'

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 07:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BAGUIO CITY — Nawawalang combat boots daw ang isa sa mga dahilan ng pananakit sa 20-anyos na kadeteng namatay sa Philippine Military Academy (PMA) dahil sa hazing.

Base sa imbestigasyon ng Baguio City Police Office, dahilan ng "pagparusa" kay cadet 4th class Darwin Dormitorio ay ang nawawalang combat boots ng kanilang squad leader.

"Sila po 'yung mismong gumawa ng maltreatment or pananakit kay cadet Dormitorio and this was under the orders of cadet Sanupao. Sanupao entrusted his combat boots to Dormitorio. One week na raw nawawala. Kaya pinarusahan siya," ayon kay Police Col. Allen Rae Co.

Kinilala ang 4 kadeteng dawit sa hazing na sina 3rd class Shalimar Imperial, 3rd class Felix Lumbag, 1st class Axl Rey Sanupao, at 2nd class Nickoel Termil.

Dahil dito, tanggal sa PMA ang 4 na upperclassmen ni Dormitorio.

Setyembre 17 nangyari ang pananakit, isang araw bago namatay si Dormitorio.

Pero bago pa ang insidente, sinaktan na rin umano siya ng kaniyang upperclassmen noong Agosto.

"There was an unsubscribed statement ni cadet Dormitorio identifying the same people na lumabas sa investigation report ng PNP. Basically ang sinabi niya pinag-push up siya. Pinag-exercise nang marami. Basically sinaktan siya ng same people," dagdag ni Co. 

INILIBING NA

Watch more in iWant or TFC.tv

Nitong Miyerkoles, inilibing na sa isang pribadong sementeryo sa Cagayan de Oro si Dormitorio, kung saan inalayan siya ng full military honors.

Naghihinagpis naman ang mga kaanak at kaibigan ni Dormitorio. 

"He only wanted to serve the country and be a soldier to protect his family, friends, and people in the Philippines," sabi ni Joshua Napone, kaibigan ng biktima. 

"I know you are happy there, no more pain and suffering talaga, rest well," sabi naman ni Ashley Ravidas, ang 3-taong kasintahan ni Dormitorio.

Para sa kapatid ni Dormitorio na si Dexter, nakapagpagaan sa kanilang loob na pinangalanan, sinuspende, at sinibak na ang upperclassmen na sangkot sa hazing.

"The aura of my brother yesterday lightened up nung nalaman na meron nang names," sabi ni Dexter Dormitorio.

Kinondena naman ng Commission on Human Rights (CHR) ang nangyari kay Dormitorio.

"The CHR strongly condemns the recent death of PMA cadet 4th class Darwin Dormitorio who suffered from internal injuries caused by hazing... The commission has zero-tolerance for hazing and calls for its total elimination in all schools and non-school-based organisations, including in military and army trainings," ani CHR spokesperson Atty. Atty. Jacqueline Ann de Guia.

Sa ngayon ay hihintayin na muna ng pamilya ang report ng pulisya bago sila magsampa ng pormal na reklamo para mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Dormitorio.
    
Tiniyak nilang hindi mauuwi sa wala ang pagkamatay ng kadete na puno ng pangarap. —Ulat nina Angelo Andrade at Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.