Pagkakakilanlan ng 'drug queen' inilantad; mga kaanak, katrabaho dumepensa

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 06:38 PM | Updated as of Sep 25 2019 08:42 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Binigyang mukha na ng pulisya nitong Miyerkoles ang tinagurian nilang "drug queen" ng Maynila bilang si dating barangay chairwoman ng Sampaloc na si Guia Gomez Castro.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) director Police Brig. Gen. Vicente Danao si Castro na umano'y dawit sa recycling ng mga ilegal na droga sa tulong ng ninja cops.

Kinumpirma din ito ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Guillermo Eleazar sa pamamagitan ng isang drug matrix.

Nauna nang sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Linggo na may isang drug queen na protektado ng mga tiwaling pulis. 

Galing pa raw sa mga operasyon ng pulis ang suplay ng droga ni Castro. Kumikita umano ito ng P20 milyon kada linggo.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), mayroong 16 police officers na konektado sa illegal drug operation ni Castro.

TUMAKAS?

Samantala, sinabi ng Bureau of Immigration (BI) na nakalabas na ng bansa si Castro papuntang Bangkok, Thailand noong Setyembre 21.

"As per travel records, she indeed recently left the country but with no derogatory records, hence she was allowed to depart," ani BI Spokesperson Dana Sandoval.

Wala rin umanong nakalagay na petsa ng pagbabalik ni Gomez.

SINO SI GUIA GOMEZ CASTRO?

Si Castro ay isang barangay chairwoman ng Sampaloc, Maynila.

Pero batay sa record ng barangay, nagsumite ng leave of absence si Castro simula Abril 25 hanggang Hunyo 25 pero hanggang ngayon ay hindi pa ito muling nagpapakita. 

Kasalukuyang humahalili kay Castro si Antonio Calma, isang kagawad.

Ayon sa mga kaanak at katrabaho ni Castro sa barangay, nagulat sila sa alegasyon ng pulisya laban sa kanilang opisyal.

"Nagulat kami sa alegasyon. Di ko naman siya nakikitaan ng droga," sabi ni Katrina Moya, sekretarya sa barangay. 

"Pag may kailangan kami nagvi-video chat siya," sabi naman ng kagawad na si Errold dela Cruz.

Sabi ng isang kaanak ni Castro na ayaw magpakilala, madalas daw talagang lumipad paibang bansa ang chairman. 

Samantala, pinayuhan ni Manila Mayor Isko Moreno si Castro na lumantad na lang.

"Sa pamilya ni Castro palutangin niyo na ['yan]," sabi ni Moreno. 

'NINJA COPS' PAPANGALANAN

Watch more in iWantTFC

Samantala, nakatakdang isumite ng PDEA kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong gabi ang kanilang listahan ng mga pulis na sangkot sa ilegal na droga.

Sa tala ng PDEA, aabot sa halos 900 ang mga miyembro ng PNP ang nasa drugs watch list. Aktibo dito ang 372 pulis habang 482 naman ang nag-AWOL o natanggal sa serbisyo.

Sa kabuuan, 87 rito ang mga ninja cops o sinasabing sangkot sa pagre-recyle ng droga o pinagkakakitaan ang drug operations.

Sabi ni PDEA director general Aaron Aquino, lumawak na rin ang operasyon ng ninja cops sa iba't ibang rehiyon ng bansa. —Ulat nina Zyann Ambrosio, Angel Movido, at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.