Matapos ang polio, dengue: paglobo ng kaso ng diphtheria tinututukan

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 04:55 PM | Updated as of Sep 25 2019 07:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Matapos ang pagdami ng kaso ng dengue at ang pagbabalik ng sakit na polio, nakaalerto ngayon ang Department of Health sa pagkalat ng diphtheria sa ilang parte ng bansa.

Kasunod ito ng pagkakaroon ng hinihinalang diphtheria sa ilang rehiyon, gayundin ang pagpanaw ng isang 10 anyos na bata sa Maynila dahil umano sa nasabing sakit.

Sa tala ng DOH - Cordillera Administrative Region, tumaas ng 2,800 porsiyento ang hinihinalang kaso ng diphtheria sa rehiyon nitong 2019.

Mula noong Enero 1 hanggang Setyembre 14, 2018, nakapagtala lang ng isang hinihinalang kaso ng diphtheria ang CAR.

Pero sa kaparehong panahon ngayong 2019, mayroon nang 29 na hinihinalang kaso ng diphtheria na naitala sa rehiyon.

Ayon kay Health spokesperson Eric Domingo, mataas ang mortality rate ng diphtheria at isa sa tatlong dinadapuan ng diphtheria ay namamatay.

Kabilang sa mga sintomas ng diphtheria ang lagnat, hirap sa paghinga, ubo, at sipon na parang barado ang ilong. Karaniwang natatamaan ng nabanggit na sakit ang mga bata.

"Very rare po kasi ang diphtheria sa Pilipinas. Every year we get about 140 to 150 cases a year. Mataas po ang mortality rate nya kasi medyo mabilis po ang progreso ng sakit na ito," ani Domingo.

Mainam na magsuot ng face mask para hindi mahawa sa sakit, ayon kay Domingo.

Maiiwasan din daw ang sakit sa pagpapabakuna laban dito, maging ang pagpapalakas ng resistensya at pagkakaroon ng malinis na kapaligiran.

Ang kontrobersiya sa bakunang Dengvaxia ang isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit bumaba ang bilang ng mga nagpapabakuna sa mga sakit gaya ng dengue at polio, na nanumbalik sa bansa matapos ang halos 2 dekada.

10 anyos sa Maynila namatay dahil sa diphtheria?

Bineberipika naman ngayon ng Research Institute for Tropical Medicine kung diphtheria ang ikinamatay ng isang Grade 4 student sa Jacinto Zamora Elementary School sa Maynila, ayon kay Dr. Edgar Santos ng City Health Office

Ayon kay Josefina De Guzman, ang nurse ng paaralan na tumingin sa bata, sinabi sa kaniya ng mga magulang na nakaranas ng lagnat ang 10 anyos noong Setyembre 13. Nakaranas din anya ng pamamantal at pamamaga sa bibig ang bata.

Ilang oras matapos ma-diagnose sa sakit noong Setyembre 20 namatay ang bata.

Ayon kay De Guzman, hindi nabakunahan ang bata dahil hindi raw ito pinayagan ng magulang. 

"Zero immunization siya," ani De Guzman. 

"Hindi ko siya binigyan kasi hindi siya pinayagan ng magulang so very susceptible siya sa diphtheria talaga," dagdag ng nurse. 

Hindi na nagbigay ng pahayag ang mga magulang ng namatay na bata. 

Tiniyak naman ni De Guzman na na-disinfect na ang kanilang campus.

Binigyan na rin aniya ng gamot ang mga estudyanteng nakasalamuha ng bata. Wala rin aniyang sintomas ng diphtheria ang mga ito. -- May ulat nina Raphael Bosano at Jamaine Punzalan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.