Lalaki timbog matapos ikalat ang nude photo ng ex dahil sa 'sobrang galit'

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 04:40 PM | Updated as of Sep 25 2019 08:00 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Timbog sa entrapment ng pulisya ang isang lalaking ikinalat ang hubad na larawan ng dating live-in partner at nagbanta pang papatayin ito kapag hindi nakipagtalik sa kaniya. 

Kinilala ang suspek na si Jimmy Laborte, na inakusahang tinakot ang kaniyang ex na si alyas "Moira."

Kuwento ni Moira, 4 na taon na silang hiwalay ng suspek.

Matapos arestuhin, todo-tanggi ang suspek sa mga paratang na binantaan niya ito. Gayunman, inamin niyang ipinadala nga niya sa iba ang malalaswang larawan at video ni Moira. 

"Ikinalat ko lang kasi sa sobrang galit ko sa kaniya... Hindi totoo na binabantaan ko siya. Hindi totoo mga sinasabi niya," depensa ni Laborte. 

Naluha naman si Moira nang alalahanin ang kahihiyang idinulot sa kaniya ng dating ka-live-in. 

"Sobra pong ipinahiya niya ako. Tapos tinatakot na papatayin kapag hindi pumayag sa sex at makipagkita," anang biktima.

Desidido ang biktima na sampahan ng patong-patong na kasong grave threat, grave coercion, paglabag sa Cybercrime Prevention Act at paglabag sa Violence Against Women and Children Act ang naarestong suspek.—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.