Delivery boy patay sa pamamaril sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 10:30 PM

Kuha ng Cauayan PNP

ISABELA - Patay ang isang delivery boy ng isang courier company matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay District 1 sa Cauayan City nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Alvin Opulentia na mula sa bayan ng Reina Mercedes.

Ayon sa imbestigasyon, sakay ng motorsiklo si Opulentia at binabaybay niya ang national highway nang siya ay tapatan at saka paputukan ng isang riding-in-tandem.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang pagsalpok ng biktima sa isang establisimiyento matapos siya mawalan ng kontrol sa kanyang motorsiklo.

Sinundan ng mga suspek ang biktima na ilang beses pang pinagbabaril habang ito ay nakahandusay na.

Hindi namukhaan ang gunman dahil sa suot nitong helmet.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang kanilang motibo para patayin ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.