Boserong pintor huli sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 05:36 AM

MAYNILA—Inaresto ng mga pulis ang isang pintor matapos na inireklamo ng pamboboso sa Barangay Tugbungan, Zamboanga City Martes ng gabi.

Kuwento ng 21 anyos na biktimang si alyas Dianne, naaktuhan ng kaniyang tiyuhin ang 42 anyos na suspek na sumisilip sa butas ng kanilang pintuan.

Nagpapahinga siya noon sa kanilang sala nang mangyari ang insidente.

Depensa naman ng suspek, naghahanap umano siya ng kawayan nang oras na iyon.

Dagdag ni Dianne, ito na ang pangalawang pagkakataon na nahuli nila ang suspek na namboboso sa kanilang bahay.

Noong unang nahuli ang suspek, sinabi nito na naghahanap naman siya ng bunga ng papaya.

Sa panayam ng ABS-CBN News, inamin ng suspek na sinilipan niya ang biktima. Wala raw siyang magawa at naghahanap lang ng libangan.

Sasampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 ang suspek.—Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.