Bangkay ng lalaki, natagpuan sa dagat sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 03:49 AM

NEGROS OCCIDENTAL—Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki na palutang-lutang sa karagatan ng Toboso, Negros Occidental Martes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Benjie Tabora, 29 anyos.

Ayon sa pulisya, natagpuan ng isang mangingisda ang bangkay ni Tabora at agad na iniulat sa mga awtoridad.

Bago ang insidente, isinumbong sa mga pulis si Tabora at kaniyang kasamahan matapos umano silang magwala dahil sa kalasingan Linggo ng gabi.

Nahuli ng mga pulis ang kaniyang kasamahan habang nakatakbo naman si Tabora. Hindi na siya nakita at nakauwi mula noon.

Hinala ng mga pulis, tumalon sa dagat si Tabora habang tumatakas. Maaari rin umanong nabagok ang ulo nito sa bato na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Isasailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima upang malaman kung anong ikinamatay nito.—Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.