Bangkay ng lalaki nakitang nakalutang sa Dapitan River

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 12:32 AM

DAPITAN CITY — Patay na nang matagpuan ng isang residente sa Barangay Sulangon, Dapitan City ang isang lalaking nakilalang si Danny Gallera Lunes ng hapon.

Ayon sa residenteng si Edgar Sumalpong, Linggo ng hapon nang huli niyang makita ang biktima na naliligo sa isang bahagi ng ilog.

Sa unang tingin kasi sa ilog, mababaw ang bandang tabi nito dahil sa itinambak na lupa sa ginawang river control. Pero isang metro mula sa river control ay malalim na ito.

Ayon sa imbestigasyon, lasing ang biktima nang maligo sa ilog.

“Dalawang araw na itong lasing at dahil hindi taga-roon ang biktima, hindi niya kabisado ang lugar,” ani Police Staff Sergeant Roland Decipulo, imbestigador ng Dapitan City Police Station.

Pagkalunod ang ikinasawi ng biktima na hinihinalang nawalan ng balanse dahil sa kalasingan.

Agad ding iniuwi sa bayan ng Concepcion, Misamis Occidental ang labi ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.