5 dawit sa droga timbog sa magkahiwalay na operasyon sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 03:30 PM

MAYNILA — Limang drug suspect ang arestado ng pulisya sa 2 magkahiwalay ng operasyon ng Manila Police District (MPD) nitong Miyerkoles.

Unang nahuli ang 3 lalaki matapos silang makuhanan ng hinihinalang ilegal na droga sa Sampaloc, Maynila.

Nagsagawa ng anti-drug operation ang MPD Station 4-Drug Enforcement Unit dahil sa isang tip ng concerned citizen ukol sa ilegal na gawain sa lugar.

Nagtungo ang mga pulis sa Buenos Aires street, Barangay 570, Zone 56 at nahuli nga ang 3 lalaki.

Nakuhanan sila ng 3 sachet ng hinihinalang shabu. Natuklasan pa na ang isa sa kanila ay nasa drugs watch-list na.

Sa sumunod na operasyon sa Sampaloc pa rin, nahuli naman ang isang lalaki at isang babae sa Paquita street corner Delos Reyes street sa Barangay 463, Zone 46.

Nakuha sa kanila ang 2 sachet ng hinihinalang shabu.

Nakakulong na ang 5 suspek sa Sampaloc police station.

—Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.