2 sugatan sa pagsalpok ng taxi sa MRT-7 barrier

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 09:38 AM

Driver nakainom, walang lisensya, nahulihan ng mga bala

MANILA - Sugatan ang isang lalaki at kaniyang 18-anyos na kasama matapos sumalpok ang sinasakyan nilang taxi sa barrier ng ginagawang MRT-7 sa Commonwealth Avenue, Quezon City, Martes.

Ayon sa driver na si Ronald Ibañez, dispatcher siya at hiniram lamang ang taxi para kumain sa kalapit na Litex Avenue.

Inamin niyang nakainom at nakaidlip siya habang nagmamaneho, dahilan para masagi ang isang motorsiklo. Sinubukan umano niyang tumakas kaya mabilis ang kaniyang takbo nang sumalpok sa barrier ng MRT-7.
 
Dito umano siya kinuyog ng ilang kabataan na ninakaw pa ang kaniyang bag na may lamang kalibre .45 na baril.

Nakumpiska ng mga traffic enforcer ang magazine ng mga bala. Walang naipakitang driver's license at license to carry firearms sa kanila si Ibañez.

Mahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to properties, driving without license at illegal possession of ammunition.

Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.