‘Wala nang senyales ng buhay sa Itogon landslide’: OCD

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 09:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Wala na raw senyales pa na may nakaligtas sa 19 nawawala sa Itogon, Benguet landslide, ayon sa Office of Civil Defense- Cordillera (OCD-CAR) nitong Martes. 

Ito'y matapos matunton at matuklasang walang tao ang main portal o pasukan ng tunnel kung saan pinaniniwalaang nagtatago ang mga survivor sa landslide sa Barangay Ucab noong kasagsagan ng bagyong Ompong.

Natagpuan lamang ang dalawang bangkay sa bungad ng portal, at isa naman sa loob. 

Lagaslas lang rin ng tubig ang naririnig ng mga rescuer mula sa loob ng tunnel.

“We are sad because we are hoping that there’s still life na mase-save but as we have seen there is no sign of life" ani OCD-Cordillera director Ruben Carandang. 

Dahil dito, ani Carandang, search and retrieval operations na lamang ang isasagawa sa iba pang nawawalang residente. 

Sa ngayon, ibinaba sa 54 ang bilang ng mga nasawi dahil susuriin pa ang ilang bangkay na nakita sa landslide site. 

"Klinaro ko 'yung mga body parts hindi muna kasi hindi pa identified, hindi pa rin nasusuri," ani Presidential Adviser for Political Affairs Francis Tolentino. 

Nagpadala naman ng team ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para imbestigahan ang nangyaring landslide sa Bgy. Ucab at para na rin ipahinto ang small scale mining sa lugar.

Ani DENR secretary Roy Cimatu, maghahanap sila ng mas ligtas na pagmiminahan para sa mga mawawalan ng kabuhayan.

“They will also find a suitable site or relocation for the people, and prospective Minahang Bayan far from the sites of landslides,” aniya. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.