Trillanes nagpiyansa ng P200,000

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 04:51 PM

Nakapagpiyansa sa halagang P200,000 si Senador Antonio Trillanes IV ilang oras lamang matapos ipaaresto at isailalim sa kustodiya ng Makati police Martes ng hapon.

Ito'y kasunod ng inilabas na arrest warrant at hold departure order ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 pabor sa hiling ng Department of Justice (DOJ).

Martes nang magtungo ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Makati police sa Senado upang ihain ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Elmo Alameda laban kay Trillanes.

Nabuhay muli ang kasong rebelyon ni Trillanes matapos ipawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiyang ipinagkaloob sa kaniya noong 2011.

Sumailalim pa si Trillanes sa booking procedure pagkatungtong sa Makati police, kung saan siya kinuhanan ng fingerprints at mugshot.


 
Matapos nito, nagtungo na si Trillanes sa Makati RTC upang magpiyansa ng P200,000 alinsunod sa kautusan ng korte. 

Kasalukuyan nang hinihintay ni Trillanes ang pirma sa release order na iiisyu ng korte. 

Nauna nang iginiit ni Trillanes umaga ng Martes na handa siyang sumailalim sa proseso at kusa siyang susuko kung makapaglalabas ng lehitimong arrest warrant ang korte laban sa kaniya, 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.