Trillanes balik-Senado matapos magpiyansa sa kasong rebelyon

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 08:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balik-Senado agad si Senador Antonio Trillanes IV matapos makapagpiyansa ng P200,000 sa kaniyang kasong rebelyon, ilang oras lamang matapos ipaaresto at isailalim sa kustodiya ng Makati police Martes ng hapon.

Ito'y kasunod ng inilabas na arrest warrant at hold departure order ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 pabor sa hiling ng Department of Justice (DOJ). 

Nang makarating sa Senado, nagpasalamat si Trillanes sa mga kaalyado niya at kay Senate President Vicente Sotto III sa maayos na turnover sa kaniya sa mga awtoridad. 

Pinasalamatan rin ni Trillanes ang Philippine National Police (PNP) sa maayos na pagtrato sa kaniya sa booking proceedings

Kahit halos isang buwan na siyang namamalagi sa Senado, iginiit ni Trillanes na hindi pa rin siya makakauwi at mananatili pa rin siya sa kaniyang tanggapan.

Naroon pa rin daw kasi ang bantang pag-aresto sa kaniya ng Armed Forces of the Philippines (AFP). 

"We expect other forms of harassment in the days to come," ani Trillanes.

'HUDIKATURA TUMIKLOP'

Ikinadismaya rin ni Trillanes ang "pagtiklop sa pressure" ng hudikatura.

"Maliwanag po 'yung ating rule of law na merong mga prosesong hindi na dapat nababali kagaya ng pagbigay ng amnestiya at pag-dismiss ng kaso," ayon sa senador. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa abogado ni Trillanes na si Atty. Florin Hilbay, mali ang pag-isyu ng arrest warrant kontra sa kaniyang kliyente dahil hindi na raw responsibilidad ng senador kung nawala ng gobyerno ang kaniyang amnesty records.

"Ang pinakamalakas na ebidensiya na dumaan siya sa proseso is 'yung certificate of amnesty. Kung nawawala ang application niya, hindi problema ni Trillanes 'yun," aniya. 

PALASYO 'NATUWA'

Ikinagalak naman ng Malacañang ang pagsunod ng senador sa booking procedure at iginiit na hahayaan nilang magdesisyon ang korte sa kaso.

"Nagagalak na kami at sinusunod ni Trillanes ang proseso at nag-post [siya] ng bail sa kaniyang kalayaan," an Presidential Spokesperson Harry Roque sa DZMM. 

Nauna nang iginiit ni Trillanes umaga ng Martes na handa siyang sumailalim sa proseso at kusa siyang susuko kung makapaglalabas ng lehitimong arrest warrant ang korte laban sa kaniya.

—Ulat nina Sherrie Ann Torres at Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.