Tricycle driver nahulihan ng ‘shabu’ sa Butuan

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 04:18 PM

Nakakuha ang operatiba ng 18 sachet ng hinihinalang shabu mula sa suspek sa Butuan City. Larawan mula sa Police Regional Office 13

BUTUAN CITY - Naaresto ang isang tricycle driver sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 7, Ong Yiu, Butuan City nitong Linggo.

Ikinasa ang operasyon ng Regional Drug Enforcement Unit ng Police Regional Office 13 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). 

Matagal na umano mino-monitor ng awtoridad ang suspek sa mga ilegal na transaksiyon nito.

Ayon sa pulisya, nabawi nila ang 18 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P141,600 mula sa 43-anyos na suspek.

Nakuha rin mula sa kaniya ang dalawang P500 na buy-bust money.

Kinasuhan na ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.