'Pinuno' ng gunrunning group, huli sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 02:47 AM

ISABELA - Arestado ang umano’y lider ng grupong sangkot sa pagbebenta ng mga hindi lisensiyadong baril sa buy-bust operation sa Ilagan City, Isabela noong Biyernes.

Kinilala ang suspek na si Willington Aguda, 39 anyos, residente ng Flora, Apayao.

Ayon kay Senior Supt. Ronald Gayo, hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cagayan Valley, bago lang natukoy ang grupo na nagbebenta ng mga hindi lisensiyadong baril gamit ang internet.

“Ang gunrunning group ay nagbebenta online ng baril sa Isabela at mga karatig probinsiya,” ani Gayo.

Nabisto ang ilegal na gawain nang maaktuhan mismo ang kanilang lider sa pagbebenta ng baril, kabilang ang isang baby armalite at isang kalibre .45.

Nasamsam din sa suspek ang mga magazine ng M16 rifle at samu’t saring bala.

Sinampahan na ng reklamong paglabag sa Republict Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek. - ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.