Pagkakalat ng 'bomb scare' sa social media, maaari bang parusahan?

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 08:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay humarap ang blogger na si Drew Olivar sa Philippine National Police (PNP) kasunod ng pag-post niya sa kaniyang Facebook page ng “bomb scare” na mangyayari umano sa ika-46 anibersaryo ng batas militar. 

Bagama't mas laganap ang mga bomb threat sa text o tawag, krimen rin ba ang pagpapakalat ng bomb scare sa social media? 

Ayon sa abogadong si Erin Tañada, pasok pa rin ang kaso ni Olivar sa “anti-bomb joke” law o Presidential Decree 1727. 

Bukod pa rito, aniya, maaari ring saklaw ang kaniyang kaso sa Republic Act No. 10195, o Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil gumamit ang blogger ng internet para ikalat ang bomb threat. 

“Papasok ito sa cybercrime law. May imprisonment also because it uses the internet,” aniya sa “Usapang de Campanilla” nitong Lunes.

Nilinaw ng abogado na pulis lamang ang puwedeng magsampa ng kaso kaugnay ng Presidential Decree 1727. Pero maaari ring magsumbong ang mga mamamayan kung makakapagpresenta sila ng ebidensiya sa PNP. 

“Puwedeng ipaalam sa police with regard to the post o puwede rin mismong siya (netizen) and i-cite 'yung FB (Facebook) page kung saan 'yan nailathala at bahala na 'yung public prosecutor na magpapatawag ng ebidensya,” aniya. 

Sa ilalim ng Presidential Decree 1727, maaaring hatulan ng 5 taong pagkakakulong at P40,000 na multa si Olivar kung mapatunayan ngang may nagawa siyang kasalanan. 

Bukod pa rito, may karagdagang multa pa at pagkakakulong rin kung mapapatunayan ang kaniyang paglabag sa anti-cybercrime law. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.