LP, ipinakilala ang 3 'manok' sa 2019 senatorial race

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 12:51 PM

Isinapubliko na nitong Martes ng Liberal Party (LP) ang unang tatlong ilalahok nila sa 2019 midterm elections para sa pagkasenador. 

Sa kanilang National Executive Council meeting ay inanunsiyo ng partido na isasalang nila sa halalan sa susunod na taon sina Senator Paolo Benigno "Bam" Aquino IV na isang reelectionist, Free Legal Assistance Group (FLAG) president Jose Manuel "Chel" Diokno, at dating House Deputy Speaker Lorenzo "Erin" Tañada III.

Aminado si Aquino na mahihirapan silang mga nasa oposisyon sa papalapit na halalan.

“[Pero] kung nagkakaisa ang mga Pilipino at hindi tayo nagpapatakot, kakayanin nating magtagumpay,” aniya. 

Binanatan naman ni Tañada ang mga polisiyang pang-ekonomiya ng pamahalaan, partikular na ang inflation o pagsipa ng presyo ng mga bilihin. 

“Malamang ay ramdam natin ang patuloy na pagtaas ng bilihin, kaninang umaga tumaas na naman ang presyo ng langis," hinaing ng dating mambabatas.

Samantala, ipinagmalaki naman ni Diokno ang kaniyang karanasan bilang isang human rights lawyer na aniya'y sapat na kalipikasyon na sa pagiging senador. 

“Panahon na para dalhin ko ang laban sa ibang arena para maging bahagi ng pambansang agenda ang hustisya,” ayon sa abogado. 

Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong sina LP party president Senador Kiko Pangilinan, Vice President Leni Robredo, at dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino. 


—May ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.