Lalaking 'nakahanap' sa bangkay ng batang babae sa Davao arestado

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 10:46 AM | Updated as of Sep 25 2018 11:05 AM

Itinuturing na person of interest ang lalaking nagturo sa mga awtoridad sa bangkay ng bata.

DAVAO CITY – Inaresto ang isang lalaking nagturo sa mga awtoridad sa damuhan na kinaroroonan ng bangkay ng isang batang babae sa lungsod na ito, Linggo ng umaga.

Isang linggong pinaghahanap ng mga awtoridad ang bata bago ito natagpuan sa tulong ng lalaki sa Kilometer 9, Purok 11-A sa Matina Pangi.

Itinuring na person of interest ang lalaki dahil pabago-bago ang kaniyang mga pahayag ukol sa insidente, sabi ng pulisya.

Nahanap din anila sa bahay nito ang mga kawad na tumugma sa pantaling ginamit sa biktima.

Lumutang na ang ilang testigo laban sa suspek, sabi ng pulisya.

Kuwento naman ng ina ng bata, nangumpisal at humingi ng tawad ang lalaki sa pagpatay sa kaniyang anak nang magkita sila sa kulungan.

Aniya, ngayon lang din niya nalamang malapit ang kaniyang anak sa 2 anak ng suspek dahil magkakalaro ang mga ito.

Gayunman, itinanggi ng lalaki na siya ang pumatay sa biktima sa panayam ng ABS-CBN News.

Mahaharap siya sa kasong murder. Hinihintay naman ang resulta ng awtopsiya sa bangkay ng bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.