Kampo ng NPA, nakubkob ng militar sa Surigao Del Norte

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 05:10 PM

Samu't saring mga baril, bala at personal na kagamitan ng mga rebelde ang narekober ng awtoridad mula sa kampo ng mga rebelde sa Surigao del Norte. Larawan mula sa 402nd Infantry Brigade ng Philippine Army

GIGAQUIT, Surigao Del Norte – Napasok ng tropa ng 402nd Infantry Brigade ng Philippine Army ang kampo ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Tuya-tuya, Barangay Poniente dito sa bayan Biyernes.

Natunton ang kampo matapos may magbigay ng impormasyon sa militar.

Bago pa man nila nabawi ang kampo ay nagkaroon pa muna ng sagupaan sa pagitan ng militar at 20 miyembro ng NPA.

Narekober sa lugar ang isang M4A1 Carbine, isang improvised shotgun, mga improvised explosive device (IED), blasting caps, detonating cord, pitong AK-47, mga gamot, bala at ilan pang mga personal na gamit ng NPA.

Patuloy ang panawagan ng militar sa iba pang mga miyembro ng NPA na magbalik-loob na sa gobyerno.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.