Ilang police detachment sa Masbate sinalakay ng NPA

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 09:05 AM

Inatake ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang ilang police detachment sa probinsya ng Masbate ngayong Martes ng madaling-araw.

Unang pinapatukan ng mga umano'y rebelde ang kampo ng First Maneuver Platoon ng First Provincial Mobile Company sa Barangay Lalaguna, bayan ng Mobo pasado hatinggabi.

Nakaganti ng putok ang pulisya at tumagal ang engkuwentro ng nasa 10 minuto.

Walang nasugatang pulis habang hindi pa tiyak kung may nasaktan sa mga gunman na pumuwesto tinatayang 800 metro mula sa likuran ng kampo.

Makalipas ang nasa 20 minuto, pinapatukan din ng isa pang grupo ng mga gunman ang police community assistance center sa Barangay Bayombon, Masbate City.

Tumagal ng 25 minuto ang palitan ng putok doon.

Dakong alas-2:30 ng umaga, pinapatukan din ng mga armadong lalaki ang Second Provincial Mobile Company sa Barangay Sto. Niño, Cataingan.

Walang nasaktan sa 2 huling insidente.


Ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.