PatrolPH

Estrella-Pantaleon Bridge, muling binuksan para sa mga motorista

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 12:10 PM

Nadadaanan na muli ng mga motorista ang isinarang Estrella-Pantaleon Bridge na nagkokonekta sa mga lungsod ng Makati at Mandaluyong.

Isinara ang tulay nitong Linggo para sana sa rehabilitasyon pero hatinggabi ng Lunes ay bukas at nadadaanan na ito ng mga motorista. 

Paliwanag ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa unang linggo ng Enero 2019 na itutuloy ang pagkumpuni sa naturang tulay para iwasan ang maaaring pagkalugi ng mga negosyo ngayong Kapaskuhan. 

"We sincerely apologize for the sudden change in plan...which we deemed appropriate to avert negative impact to the forthcoming Yuletide events," ani DPWH Project Director Virgilio Castillo.

(Humihingi kami ng paumanhin sa biglang pagbabago ng aming plano, na sa tingin namin ay angkop lamang upang iwasan ang magiging negatibong epekto ng pagsasara ng tulay ngayon Kapaskuhan.)

Tinatayang 30 buwan nakatakdang isara ang tulay para sa reconstruction at expansion.

Ang dalawang lane ay gagawing apat para mapaluwag ang daloy ng trapiko sa kalsada.

Ang Estrella-Pantaleon Bridge ay kilala rin na Rockwell Bridge, na dinaraanan lamang ng mga pribadong sasakyan. 

—May ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.