BALIKAN: Mga pangyayari bago ang #TrillanesArrest

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 04:56 PM | Updated as of Sep 25 2018 04:58 PM

Nitong Martes, Setyembre 25, iniutos ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 ang pag-aresto kay Senador Antonio Trillanes IV dahil sa kaso niyang rebelyon na nag-ugat sa 2007 Manila Peninsula siege. 

Pero paano nga ba muling nabuhay ang kasong ito, gayong noong 2011 ay napagkalooban ang senador ng amnestiya na umaabsuwelto sa lahat ng kaniyang kaso bilang sundalo?

Balikan ang mga pangyayari na humantong sa #TrillanesArrest:

AGOSTO 31

  • Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 572 na nagpapawalang-bisa sa amnestiya ni Senador Antonio Trillanes IV.
  • Kasama sa proklamasyon ang kautusan na arestuhin ang senador
  • Ayon kay Duterte, hindi epektibo sa simula pa lang ang amnestiyang ipinagkaloob kay Trillanes dahil hindi nito nasunod ang tamang proseso sa pag-aapply dito

SETYEMBRE 4

  • Isinapubliko ang Proclamation No. 572 sa isang pahayagan
  • Nagdesisyon si Trillanes mamalagi sa Senado sa harap ng bantang pag-aresto
  • Sa isang privilege speech, naglabas ng mga katibayan si Trillanes na nagawaran siya ng amnestiya ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2011
  • Hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 ang warrant of arrest at hold departure order (HDO) laban kay Trillanes
  • Inamin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Edgard Arevalo na si Solicitor General Jose Calida ang pasimuno ng pag-ungkat sa amnesty records ni Trillanes

SETYEMBRE 5

  • Bigong makakuha ng arrest order at HDO ang DOJ mula sa Makati RTC branch 148

SETYEMBRE 6

  • Humiling si Trillanes ng temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema at ang pagbasura sa Proclamation No. 572 ni Duterte

SETYEMBRE 7

  • Dumulog ang DOJ sa Makati RTC Branch 150 para sa isa pang warrant of arrest at HDO laban sa senador

SETYEMBRE 11

  • Naglabas ng resolusyon ang Korte Suprema at tinanggihan ang hiling na TRO ni Trillanes 
  • Ipinaubaya ng SC ang pagdedesisyon sa dalawang sangay ng Makati RTC

SETYEMBRE 13

  • Sa unang pagdinig ng Makati RTC Branch 148, hindi muna naglabas ang korte ng warrant, bagkus ay hihintayin daw nito ang komento ni Trillanes sa loob ng 10 araw

SETYEMBRE 14

  • Hindi rin naglabas ng warrant of arrest ang Makati RTC branch 150, bagkus ay naglaan ito ng tig-5 araw para sa DOJ at kay Trillanes upang sagutin ang mga komento ng bawat panig

SETYEMBRE 24

  • Ipinasa na ni Trillanes sa parehong sangay ng Makati RTC ang kaniyang pinal na mga komento 

SETYEMBRE 25

  • Pinaboran ng Makati RTC Branch 150 ang mosyon ng DOJ at iniutos ang pag-aresto sa senador
  • Nagtakda ang korte ng P200,000 na piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Trillanes
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.