Abogado patay sa pamamaril sa Davao del Norte

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 08:43 PM


TAGUM CITY - Patay ang isang abogado matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin sakay ng motorsiklo sa Barangay Mankilam sa lungsod na ito Lunes ng umaga.

Base sa imbestigasyon, pinaputokan ng tatlong beses ang biktimang si Connie del Rio Villamor, dahilan ng agaran niyang pagkamatay.

Blangko naman ang magulang ng biktima kung bakit brutal na pinatay ang kanilang anak. Wala umano itong ibinahagi sa kanila na nakaalitan.

"Maluoy mo mga katawhan nga nagmahal sa akong anak, tabangi intawon mi, buotan ang akong anak, madakpan lang intawon ang hustisya," ani Concepcion del Rio, ina ng biktima.

(Maawa sana kayo, kayong mga nagmamahal sa aking anak tulungan ninyo kami. Mabait ang aking anak. Makamtan sana namin ang hustisya.)

Tinitingnan ng mga awtoridad ang mga posibleng may kinalaman sa pagpatay sa biktima gaya ng kaniyang propesyon, negosyo sa lupa, at gown rentals, maging ang posibilidad na personal grudge.

"Gikan siya sa iyang balay ug nagdrop sa iyang anak sa eskuwelahan sa SECDEA. Pagka-abot niya sa Mangga Elementary School didto siya gisabayan sa motor gipusil siya," ani Supt. Philip Jefferson Ayban, officer-in-charge ng Tagum City Police.

(Galing siya sa kanilang bahay at inihatid niya ang kaniyang anak sa paaralan. Nang nasa Mangga Elementary School na siya ay sumabay sa kaniya ang isang motor at dun pinaputukan.)

Hindi naman titigil ang kapulisan sa pag-iimbestiga at nang malutas ang kaso. 

Ayon sa pulisya, may pinanghahawakan na silang impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.