2 patay sa magkahiwalay na aksidente sa Iloilo

Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 07:35 PM

ILOILO CITY – Dalawa ang nasawi sa magkahiwalay na aksidente sa mga bayan ng Lambunao at Dumangas sa lalawigan ng Iloilo, Martes ng umaga.

Unang namatay sa aksidente si PO1 Michael Manero alas-5 ng madaling araw sa Barangay Magbato sa Lambunao.

Patungong Iloilo City ang pulis para dumalo sa isang training sa Police Regional Office 6 nang makabangga niya ang isang Elf truck na minamaneho ni Ruel Lopez.

Ayon sa awtoridad, kumalas ang takip ng fuel tank ng motorsiklo ng biktima na nagresulta sa pagtagas ng gasolina. Nagliyab din ito at nasunog ang biktima.

Nagtamo si Manero ng third degree burns sa katawan.

Nakakulong na ngayon ang driver ng truck at balak ng pamilya ng pulis na magsampa ng kaso laban sa kaniya.

Sa Dumangas naman, sumalpok ang isang bus sa isang SUV sa Barangay Balabag alas-10 ng umaga.

Nag-overtake umano ang SUV sa isa pang sasakyan pero hindi agad ito nakabalik sa kaniyang lane kaya’t sumalpok sa kasalubong na Ceres Bus.

Patay ang driver ng SUV na si Remegio Inventor, 81, isang retiradong kasapi ng Philippine Air Force, matapos maipit sa loob ng kaniyang sasakyan.

Umabot ng isang oras bago tuluyang naalis ang biktima mula sa kaniyang sasakyan.

Naisugod pa siya sa pagamutan pero idineklarang dead on arrival ng mga doktor na sumuri sa kaniya.

Samantala, ligtas naman ang asawa ng biktima.

Nakakulong na rin ang bus driver na posibleng sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.