2 lalaking tumakas sa bayarin sa videoke bar, naaksidente

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 08:50 AM

Pumailalim ang motorsiklo ng dalawang lalaki matapos na sumalpok sa isang cargo truck. Mabilis umano ang takbo ng motorsiklo dahil tumatakas ang dalawa sa bayarin nila sa isang videoke bar sa Barangay Ayala sa Zamboanga City.

ZAMBOANGA CITY – Dalawang lalaki ang sugatan matapos na mabangga ang kanilang minamanehong motorsiklo sa isang cargo truck, Lunes ng gabi ng sa Barangay Ayala sa lungsod na ito.

Nagpapagaling pa rin sa pagamutan ang 2 na nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan.

Ayon kay Police Inspector Danilo Ybid, deputy chief ng Police Station 9, nag-inuman sa isang videoke bar ang 2 biktima bago nangyari ang aksidente.

Hindi umano sila nagbayad ng kanilang humigit P700 bill sa videoke bar at agad umalis sakay ng motorsiklo.

Sinubukan pa silang habulin ng ilang empleyado ng videoke bar pero mabilis silang nakatakas.

Sa bilis ng takbo ng motorsiklo, hindi napansin ng driver ang isang cargo truck sa junction ng Barangay Ayala.

Bumangga ang kanilang motorsiklo sa gilid ng truck.

Sa lakas ng pagkakabangga ay naipit pa ang mga paa ng mga biktima sa ilang nakausling yero.

Kinailangan pang gumamit ng jack para lang mahugot sila sa ilalim ng truck.

Ayon sa driver ng truck, nag-slow down siya dahil sa security checkpoint ng pulisya sa daan nang maganap ang aksidente.

Hindi umano niya kasalanan ang nangyaring aksidente dahil hindi naman siya ang nakabangga sa motorsiklo.

May kargang humigit 18 toneladang goma ang truck na ide-deliver sana sa isang kumpanya sa Zamboanga Ecozone.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.