13 arestado sa drug session sa Cubao

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 03:05 AM

MAYNILA - Arestado ang 13 katao matapos mahuli sa umano'y drug session sa isang paupahan sa Cubao, Quezon City.

Kabilang sa mga nahuli ay isang kaanak ng barangay chairman, isang menor de edad, at 2 suspek sa robbery-holdup.

Narekober sa kanila ang ilang pakete ng hinihinalang shabu at isang baril.

Target ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7 ay ang mga kilalang tulak sa lugar na sina alyas Kim at alyas Randy na kasama rin sa mga inaresto.

Ayon sa pulisya, P20 ang singil sa bawat taong gustong makipuwesto sa drug session.

"Frequented ng kung sino-sinong tao itong lugar na ito. 'Yun ang nagma-manifest na may illegal transactions sa lugar na ito," ani Supt. Giovanni Caliao, station commander ng QCPD Station 7.

Ayon naman kay Immaculate Barangay Chairman Ramon Salas, alam daw nila ang ilegal na gawain at pati pamangkin niya napasama sa pagbibisyo roon.

"Ilang beses namin kinausap pero ayaw huminto," aniya.

Dagdag niya, mga dayo raw ang kadalasang pumupunta sa paupahan.

Mahaharap ang mga hinuli sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.