Solano, nahaharap sa mga kasong kriminal

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 02:08 PM | Updated as of Sep 25 2017 07:14 PM

 MANILA - Sumailalim sa inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ) Lunes si John Paul Solano, isa sa 3 pangunahing suspek sa fraternity hazing na ikinamatay ni University of Santo Tomas law freshman Horacio Castillo III. 

Ipinagharap ng Manila Police District (MPD) si Solano sa mga reklamong murder, robbery, obstruction of justice, perjury at paglabag sa Anti-Hazing Law. 

Unang kinilala si Solano bilang "good samaritan" na nakahanap umano sa katawan ni Castillo sa Tondo, Maynila nitong Setyembre 17, ilang oras matapos itong magpaalam sa mga magulang na dadalo sa welcome rites ng Aegis Juris fraternity. 

Si Solano rin ang nagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital kung saan siya nasawi at nahanap kinalaunan ng kanyang mga magulang. 

Pinangalanan ng pulisya si Solano bilang suspek dahil sa mga butas sa kanyang pahayag

 Bantay-sarado si Solano ng mga pulis-Maynila at pilit itinatago ang pagkaka-posas nang dumating siya sa DOJ para sa inquest proceedings. 

Kasunod niyang dumating doon ang mga magulang ni Castillo, na dumiretso sa executive lounge ng DOJ. 

Tumatayo ring complaint ang mga magulang ni Castillo na personal na pinanumpaan ang kanilang reklamo sa harap ng DOJ panel.

 Kinuwestyon ng abogado ni Solano na si Atty. Paterno Esmaquel ang mismong proseso ng pag-inquest sa kanyang kliyente.

Ani Esmaquel, walang complex crime na parehong "mala in se" (evil in itself) at "mala prohibita" (wrong because prohibited). 

Wala rin aniyang rason para sa patuloy na detention ng kanyang kliyente kaya dapat ay agad na itong palayain. 

Ayon sa DOJ panel, reresolbahin nila ang omnibus motion ng kampo ni Solano Lunes o Martes ng umaga. Pansamantala siyang ibinalik sa MPD. 

Bukod kay Solano, kasama din sa reklamo ng MPD ang Aegis Juris officer na si Ralph Trangia at kanyang ama na si Antonio, may-ari ng kotseng ginamit para dalhin si Castillo sa ospital. 

Dawit din sa kaso sina Arvin Balag, Mhin Wei Chan, Ranie Santiago at ilan pang miyembro ng fraternity.

-- May ulat nina Kevin Manalo at Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.