Presyo ng diesel, kerosene, at LPG, tataas

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 09:17 PM

Abiso po sa mga motorista, magpakarga na ng langis dahil magtataas ang presyo ng diesel at kerosene simula Martes, Setyembre 26.

Dagdag presyo sa produktong petrolyo:

  • Diesel = P0.45/litro
  • Kerosene = P0.65/litro

Wala namang magiging pagbabago sa presyo ng gasolina.

Inaasahan ding tataas ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) pagsapit ng Oktubre.

Sumipa kasi ang presyo ng imported na LPG.

Hanggang nitong Setyembre 23, $62 na ang iminahal ng LPG kada metriko tonelada.

Kung kukuwentahin, katumbas iyan ng P3.50 kada kilong dagdag-presyo.

Ayon kay LPG Marketers' Association (LPGMA) Party-list Rep. Arnel U. Ty, sa loob ng pitong araw, inaasahan na ang pagtaas ng presyo sa LPG.

Karaniwang nagbabago lang ang presyo ng LPG kada unang araw ng bagong buwan.

Babala laban sa substandard na LPG

Bukod naman sa presyo, nagbabala rin ang Department of Energy (DOE)laban sa LPG na nakalagay lang sa canister o manipis na lata.

Sangkaterbang LPG canister kasi ang nakumpiska ng DOE sa Cebu City.

Ayon sa ahensiya, naglipana ang ganitong mga ilegal na produkto sa Visayas at Mindanao.

Paliwanag ng LPGMA, malakas ang pressure ng LPG kumpara sa butane gaya ng nakalagay halimbawa sa lighter na ginagamit pansindi ng sigarilyo.

Hindi uubra ang manipis na lata para paglagyan ng LPG.
 
Dagdag ni Ty, 70% ng LPG sa Pilipinas ay propane at 30% lang ang butane.


-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.