PNP mag-iimbestiga sa pagkamatay ng dayuhang mangingisda sa West PH Sea

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 06:57 PM

MAYNILA - Pumasok na rin ang Philippine National Police sa imbestigasyon ng pagkasawi ng 2 Vietnamese at pagkakaaresto ng 5 kasamahan ng mga ito dahil sa ilegal umanong pangingisda sa West Philippine Sea. 

Ayon kay PNP spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos, inatasan na ang mga miyembro ng SOCO na alamin ang dahilan ng pagkamatay ng 2 dayuhang mangingisda nitong Sabado. 

Patuloy naman ang imbestigasyon ng Pangasinan police sa 5 naarestong Vietnamese. Unang tiniyak ng Malacañang ang patas na imbestigasyon sa naturang kaso. 

Batay sa Northern Luzon Command, nakita ng kanilang mga miyembro ang mga dayuhan na nangingisda sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea.